Batay sa reklamo ni Ofelia Sanchez, professional registered nurse, bukod sa nasabing kaso inirereklamo din niya ng kasong dereliction of duty at conduct of unbecoming of a public servant ang dalawa kasabay ng kahilingan nito na imbestigahan si Biglete bunga ng pagbibigay nito ng recognition to operate ng BSN program sa Southeast Asian College na dating UDMC.
Ayon sa affidavit ni Sanchez, pinapayagan umano ni Biglete na magbukas ng kurso ang paaralan subalit kinakailangan umanong may rekomendasyon mula sa kanya ang magiging administrador o dean kahit hindi kuwalipikado.
Iginiit ni Sanchez na diniskuwalipika siya ni Biglete upang maging dean sa Colegio De San Lorenzo at NOVAGEN College sa Quezon City nang sila ay mag-apply para sa inisyal na permit para sa nursing program.
Aniya, sa kabila ng kanyang karanasan sa pagtuturo at supervisory experience, sinasabi ni Biglete na wala naman siyang karanasan sa pagtuturo sa college of nursing.
Nabatid kay Sanchez na may kautusan si Biglete na kanyang mga recruit lamang ang maaaring makapasok sa Institute o College of Nursing. (Ulat ni Doris Franche)