Sinermunan, pumatay

Makaraang sermunan ang kanyang pinsan, isang 32-anyos na lalaki ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Idineklarang dead on arrival sa Gat. Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Michael Mundia ng 1320 C.Garcia St. Tondo habang nakatakas naman ang suspect na nakilalang lamang sa alyas na Dick-Dick.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa bahay mismo ng biktima.

Nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspect matapos na sermunan ng una ang huli dahil sa pagiging tamad nito at pagsama sa barkada.

Minasama ng suspect ang mga sinabi ng biktima at ng mapikon ay kinuha nito ang kutsilyo at saka inundayan ng saksak si Mundia. (Danilo Garcia)

Show comments