Paslit nagulungan ng jeep, nasawi

Isang tatlong taong gulang na batang lalaki ang nasawi matapos itong maatrasan at magulungan ng isang pampasaherong jeep habang naglalaro sa harapan ng kanilang bahay, kahapon ng tanghali sa Muntinlupa City.

Hindi na umabot pang buhay nang dalhin sa Alabang Medical Clinic ang biktimang si John Paul Tabios, ng Block 7, Lot 3, Phase 3, Country Homes Subdivision, Brgy. Putatan ng nabanggit na lungsod.

Sumuko naman sa pulisya ang driver na si Edgar Patulot, 24, ng Brgy. Poblacion, sa lungsod.

Ayon sa ulat ni PO3 Leonardo Erpe ng Muntinlupa City Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-11:25 ng tanghali sa harapan ng bahay ng biktima.

Nabatid na minamaneho ng suspect ang isang pampasaherong jeep at habang umaatras ito ay narinig ang malakas na kalabog sa likuran kung saan nang tingnan ay nagulungan na niya ang naglalarong paslit.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima subalit hindi na umabot pang buhay. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments