Si Josephine Ocampo y Nueno ng 169-I Tolentino St. Brgy. San Antonio San Francisco del Monte, Q.C. ay nagtamo ng black eye sa magkabilang mata at pagkabali ng ilong makaraang bugbugin ng suspect na nakilalang si Felix Tan y Ong, 49, negosyante, ng 169-F Tolentino St. ng nasabi ring barangay.
Batay sa imbestigasyon na natanggap ni Supt. Raul Petrasanta ng CPD-Baler Police Station, dakong alas-4 ng hapon noong Disyembre 21 nang dumating si Tan sa kanilang compound galit na galit. Mabilis namang pumasok sa kanyang bahay si Ocampo at nagsara ng pinto. Nagbitaw naman ng salita si Tan ng "AKALA MO BA, KAYA MO AKO? GUSTO MO PATAYIN NA KITA NGAYON"? habang nakatutok ang baril sa direksyon ni Ocampo.
Dahil sa ayaw ni Ocampo na pagbuksan ng pinto si Tan, minabuti na lamang ng huli na sirain ang pinto habang dala din ang isang maliit na bisikleta na ipapalo sa una. Nakita naman ito ng asawa ni Ocampo na si Dennis kung kayat agad na umalis si Tan.
Makalipas ang ilang minuto ay bumalik si Tan kasama ang anak na si Patrick Vincent na may hawak namang iron bar.
Pinagpapalo ni Patrick Vincent si Dennis habang pinagsusuntok naman ni Tan si Ocampo.
Lumilitaw sa pahayag ni Ocampo na galit sa kanya si Tan dahil ayaw niyang ilabas ang kanyang kapatid na si Dionisia Nueno na nakapasa sa board exam ng nursing na sinasabing binugbugbog din ni Tan.
Sinampahan na ito ng kasong serious physical injury at grave threats sa Quezon City Prosecutors Office.
Idinagdag pa ni Petrasanta na kanya nang bineberipika sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pangalan ni Tan at sa Bureau of Immigration (BI) na may alyas na Tan Kiak Seng. (Ulat ni Doris Franche)