Ayon kay Reyes, inatasan niyang magtulong ang Parañaque Police at Fire Dept. upang alamin kung aksidente o sinadya ang pagkasunog ng shabu laboratory at bahay umano ng isang nagngangalang Joseph Chan sa Lot 5,67, Blk. 11, Nazareth St. Multinational Village, Brgy. Moonwalk, nasabing lungsod.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat, dakong alas-4 ng madaling-araw nang masunog ang bahay ni Chan matapos ang limang araw nang salakayin ito nang mga awtoridad bunga na rin ng kanilang nakuhang impormasyon.
Nagtataka lamang si Reyes kung paano nasunog ang bahay samantalang ito ay guwardiyado ng mga tauhan ng PDEA. Milyong halaga ng kemikal ang nasamsam ng mga awtoridad dito.
Nabatid naman kina Alex at Annaliza Gaspan; Rojane Coloma at Myrna Abarca ng Lot 14, Blk. 3 Creekside Village, Angono, Rizal, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang maghatid sila ng pagkain sa isang personnel ng PDEA at napansin na may malaking usok sa sinalakay na shabu lab.
Bagamat walang naiulat na nasaktan o namatay sa insidente, kailangan pa ring siyasatin ang sunog dahil posibleng may iba pang ebidensiyang nasa lugar na hindi nakita ng mga awtoridad. (Ulat nina Doris Franche at Lordeth Bonilla)