Ang ipinasara ay ang LMG Chemicals Corp. sa Pasig makaraang mapatunayan ng City Environmental and Natural Resources Office (CENRO) na sa kanilang planta nanggaling ang nag-leak na sulfur dioxide, isa sa sangkap sa paggawa ng red battery na naamoy ng mga elemetary pupil sa San Joaquin Elementary School dahilan upang mahilo at magsuka ang mga ito noong nakalipas na Huwebes ng umaga sa loob pa mismo ng kanilang paaralan.
Ayon pa kay Eusebio bukod sa pagpapasara ay pinasasagot din sa pamunuan ng nasabing planta ang gastusin sa ospital ng mga naapektuhang mag-aaral.
"Binigyan na namin sila (LMG) ng babala noon pa na maglagay ng gamit para hindi makaapekto sa hangin ang kemikal na nasa kanilang planta subalit hindi rin nila ito sinunod kaya naulit na naman ang pangyayari," pahayag pa ni Eusebio.
Nabatid na ito na ang ikalawang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong klase ng insidente sa naturang planta, ang una ay noong Agosto 19, 2001 kung saan isang matandang lalaki ang nasawi ng makaamoy ng sumingaw na kemikal. (Ulat ni Edwin Balasa)