Tumagal ang hostage drama sa loob ng may tatlong oras subalit hindi na naisalba pa ang buhay ng baby na si Nestor Collantes Jr.
Internal hemorrhage ang sanhi ng kamatayan ng bata sanhi nang pagkakabagok nang i- hostage ng kanyang amang si Nestor Sr., 33, ng Brgy. Holy Spirit, ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong-ala-1 ng hapon nang umakyat sa footbridge sa Commonwealth Avenue ang matandang Collantes dala ang anak at doon ito hinostage.
Mabilis namang nakatawag ng responde sa pulisya at Bureau of Fire Protection ang mga nakasaksi sa pangho-hostage sa bata.
Nagbanta ang suspect na ama na ihuhulog sa tulay ang anak kung magpipilit na lumapit sa kanya ang mga pulis.
Lalo pang umigting ang tensyon nang umakmang tatalon ang suspect sa tulay kasama ang anak na nooy nangingitim na at wala nang malay. Nabatid na nauuntog sa bakal sa tulay ang ulo ng bata habang hawak-hawak ito ng suspect na ama. Idagdag pa na bilad na bilad na ito sa matinding sikat ng araw. Nakitang kinakagat pa ng suspect ang bata upang tiyaking buhay pa ito.
Hindi nadala sa mga pakiusap ng asawa at kaibigan si Collantes at sa halip ay mas lalo pa itong nagagalit sa mga taong papalapit sa kanya.
Ayon kay Herminia Collantes, asawa ng suspect na nag-away umano sila ng kanyang mister dakong alas-10 ng umaga dahil sa kawalan ng gatas ng kanilang anak.
Ikinatuwiran ng suspect na pinakain na niya ng tinapay at saging ang bata kung kayat hindi na umano kailangan pang ibili ito ng gatas.
Bunga nito, humantong sa mainitang komprontasyon ang pagtatalo ng mag-asawa hanggang sa biglang itakbo ng suspect ang anak at inakyat sa overpass.
Tumagal ng may tatlong oras ang hostage drama, hanggang sa tumalon nga sa tulay ang suspect kasama ang bata.
Bagamat naghanda ng pangsalo ang mga awtoridad, minalas na hindi ito nasalo ng mga inihandang trapal. Nabagok ang bata na siya nitong ikinamatay.
Bugbog sarado naman ang inabot ng suspect na ama sa galit na galit na taumbayan, bukod pa ang pagkabali ng tuhod nito matapos tumalon mula sa itaas ng tulay. (Ulat ni Doris France)