Nagtamo ng 31 saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktima na si Dionifer Molina-Guevarra, 26, habang anim namang saksak ang tinamo ng tiyahin nito na si Dolores Molina, 62. Kritikal din naman ang labandera ng mga biktima na si Ma. Liza Bernabe, 25, na nagtamo ng isang saksak sa katawan.
Samantala, mabilis na tumakas ang suspect na si Rolando Guevarra, 26, assistant manager ng Inonics sa Canlubang, Laguna.
Base sa ulat, dakong alas-3 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa sa #47 Freedom St., Veterans Village, Area 1-A, Brgy Pasong Tamo, Tandang Sora, Quezon City.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ayaw na umanong makipagbalikan ni Dionifer sa kanyang mister dahil sa madalas nitong pananakit sa kanya at maging sa anak nilang dalawang buwan gulang pa lamang.
Madalas din umanong ikinukulong ng suspect sa kuwarto sa kanilang bahay sa Taguig ang biktimang si Dionifer, dahilan upang iwanan nito ang asawa at pumisan sa kaanak sa Quezon City.
Nabatid na kahapon ay sumugod sa lugar ang suspect at pilit na pinababalik ang kanyang misis, subalit tumanggi ang huli dahilan upang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa mag-asawa.
Biglang inundayan ng saksak ng suspect ang misis, maging ang tiyahin ng babae at katulong sa bahay ay hindi nakaligtas sa lupit ng kamay ng suspect. (Doris Franche)