Kinilala ni NBI director Reynaldo Wycoco ang suspect na si Jason Aguilar Ivler, 22, Fil-Am, ng 18 Cliff Drive, Blue Ridge, Quezon City.
Si Ivler ay nasangkot sa car accident na dito napatay si dating Manila Rep. Nestor Ponce na nagsilbi ring undersecretary sa tanggapan ng Pangulo.
Sa ulat ng NBI-Western Mindanao Regional Office (WEMRO), dakong alas-3 ng hapon nang makatanggap sila ng impormasyon makaraang makita ang suspect sa Zamboanga City Port.
Si Ivler ay dinakip ng mga awtoridad sa kanyang first-class cabin na M/V Mary Joy II patungong Sandakan, Malaysia.
Ang nasabing suspect ay ineskortan ng tatlong kagawad ng PNP kung saan ang isa dito ay isang police colonel na kaanak nito.
Tinangka pa umano ng mga nasabing pulis na hindi ibigay sa mga awtoridad si Ivler subalit ipinakita sa mga ito na mayroong inisyu ang korte na hold departure order laban dito.
Matapos ang nasabing pagdakip at pagharang kay Ivler ay mabilis namang itinurn-over ito ng BI sa tanggapan ng NBI-Zamboanga at kahapon ay inilipat na sa kustodya ng NBI-Manila.
Magugunita na si Ivler ay responsable sa pagkamatay ni Ponce noong umaga ng Agosto 8 sa C-5 Ortigas, kung saan nasugatan din ang misis nito.
Nahaharap ito sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, damage to property at slight physical injury. (Ulat nina Danilo Garcia at Grace dela Cruz)