Tinamaan ng bala ng baril sa hita si Joseph Resotas matapos na magsimula ang palitan ng putok dakong alas 2 ng hapon.
Nabatid kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Ricardo de Leon na humingi sa kanila ng tulong ang mga security guard ng Total Security Agency na nagbabantay sa compound ng Kilter Realty, Brgy. Manggahan Floodway bunga na rin ng umanoy pagmamatigas ng mga squatters na lisanin ang lugar. Agad namang rumesponde ang mga awtoridad hanggang sa magsimula na ang putukan.
Aminado si de Leon na nahihirapan silang pasukin ang lugar dahil ang mga squatters ay armado ng mga matataas na kalibre ng baril tulad ng M-14, M16 at carbin.
Bagama't may sapat na kagamitan ang mga pulis kailangan na walang sibilyan na madadamay sa gulo dahil kailangan lamang madakip ang mga squatters na nagsisimula ng gulo.
Nabatid na nagmamatigas ang mga squatters na hindi sila aalis sa lugar kahit na dumanak ang dugo dahil matagal na silang naninirahan sa lugar.
Bineberipika din ni de Leon na ang nasabing lugar ay kuta ng mga drug pusher at gun for hire syndicate.
Posible umanong ang mga sindikato ang responsable sa laganap na bentahan ng droga at pagbebenta ng baril na kadalasang ginagamit ng mga kidnapper at holdaper sa kanilang mga operasyon sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Gumamit na rin ng helicopter at APC ang pulisya kung saan nadakip ang walong katao at nakuhanan ng isang M16 rifle at .22 caliber na baril ang mga ito. (Ulat ni Edwin Balasa)