Pumalag sa rape: Boobs ng coed nilaslas

Isang estudyante ng Perpetual Help University sa Las Piñas City ang pinagsasaksak at nilaslas pa ang suso ng hindi pa nakikilalang suspect makaraang pumalag ito sa tangkang panggagahasa, kamakalawa sa nabanggit na lungsod.

Tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan bukod pa sa nilaslas ang suso ng biktimang si Angelene Quinto, 17, dalaga, first year college sa kursong Hotel and Restaurant Management (HRM) sa nabanggit na unibersidad.

Samantala, hanggang sa ngayon ay blanko pa ang pulisya sa suspect.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Roger Bato, CID ng Las Piñas na dakong alas-4 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng bahay nito sa #42 Gold St., Camella 4, Brgy. Pamplona 3, Las Piñas City ng kanyang boyfriend na si Roel Santiago, 16 at ng kaeskuwela nito na si Adelyn Villanueva, 17.

Nabatid na nag-iisa lamang ang biktima sa loob ng kanilang bahay nang maganap ang krimen.

Nabatid na pumunta sina Santiago at Villanueva sa bahay ng biktima subalit matagal na silang kumakatok sa bahay ay hindi pa rin sila pinagbubuksan ni Quinto.

Dahil dito, nagpumilit na pumasok sa bahay ang dalawa sa hinalang may masamang nangyari sa biktima.

Nang makapasok sa bahay ang boyfriend at kaeskuwela ni Quinto ay tumambad sa kanila ang duguang bangkay ng biktima.

Sa teorya ng pulisya, may hinala silang pinagtangkaang gahasain ang biktima dahil naka-t-shirt at naka-panty na lamang ito. Posible umanong nanlaban ang dalaga kaya pinatay ng suspect.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya, gayundin ang pagtugis sa salarin o mga salarin. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments