Kasalukuyang inoobserbahan pa sa Philippine General Hospital dahil sa malubhang pagkasunog ng katawan ang mag-asawang sina Richard, 43 at May Jane Navales, 35 ng 2231 Singalong St., Maynila.
Samantala, nasa ligtas ng kondisyon ang tatlo nilang anak na sina Ruffa Mae, 6; John Rich, 4 at Jaena, 11-buwang gulang.
Sugatan rin matapos na mabagsakan ng pader na semento ang may-ari ng inuupahang bahay ng pamilya Navales na si Oscar Villasero, 55.
Sa ulat ng Manila Fire Department, naganap ang pagsabog dakong alas-6:15 ng umaga kung saan naghahandang magluto ng agahan ang mag-asawang Navales.
Nauna dito, bago ang insidente, nabatid na kabibili lamang ni Richard sa isang 2.7 kilo na Supekalan Gaz sa Masagana Gas Services na pag-aari ng isang Luisa Yap.
Nang iuwi na ito sa bahay, napuna ng mga biktima na mahina ang apoy nito kahit itodo pa nila ang pihitan. Muling ibinalik ni Richard ang kalan sa binilhan kung saan natuklasan ng technician na may singaw ito.
Iginiit naman ni Richard na palitan ang kalan ngunit tumanggi ang may-ari nito at nanghihingi ng P100 upang ma-repair ang naturang sira. Dahil sa walang dalang pera, hindi napagawa ni Richard ang kalan na kanya ring iniuwi.
Kahapon ng umaga, ay tinangka ng mag-asawa na buksan ang kalan para magluto ng almusal kung saan narinig na ang malakas na pagsabog sanhi upang tumilapon ang mag-asawa. Nahagip din ng pagsabog ang natutulog nilang mga anak, habang nabagsakan ng pader ang natutulog din na si Villasero sa katabing bahay.
Apat na kabahayan din naman ang nadamay ng sumiklab ang apoy na naapula agad ng mga nagrespondeng bumbero.
Kakasuhan din naman ang pinagbilhan ng kalan na tumanggi palitan ang may depekto nilang paninda. (Ulat ni Danilo Garcia)