Ayon kay Mar Garvida, National President ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), nakipag-ugnayan na siya sa ibat ibang opisyal ng transport group upang magsagawa ng kilos-protesta o malawakang tigil-pasada sa susunod na buwan upang ipakita sa pamahalaan ang kanilang pagtutol sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon pa kay Garvida, isasama din nila sa kanilang kilos protesta ang pagpapatanggal sa oil price deregulation law dahil sa kabiguan nitong ibaba ang presyo ng gas pump.
Naniniwala rin ang transport groups na kinukondisyon ng mga foreign oil companies ang isipan ng mga tsuper at mamimili na asahan at tanggapin na lamang ang napipintong mga pagtaas pa ng mga presyo ng petrolyo.
Inaasahan naman na magkakaroon pa ng susunod na pagtaas sa presyo ng krudo sa lokal na pamilihan na aabot sa P2 kada litro matapos na tumaas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado. (Ulat ni Edwin Balasa)