Ang limang ari-arian ay matatagpuan sa Barangay Commonwealth, Bagong Silangan, Fairview, Pansol at Socorro na ang ilan dito ay ginamit na lamang na paaralan, park, playground at outpost.
Ayon kay QC Treasurer Victor Endriga, ang aksyon ay bunga na rin ng napagkasunduan ng pamunuan ng MWSS at ng city government dahil umaabot sa P900 milyon ang utang ng naturang ahensiya sa kanila sa loob ng 20 taon.
May kabuuan ding P3.7 milyon ang babayarang pondo ng Manila Water at P2 milyon ng Maynilad sa city government.
Napag-alaman na ang MWSS ay government agency na sumasailalim sa tax swap scheme ng city government kung saan nauna na ang Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center at Kidney Center.
Magbabayad ang mga ito ng kanilang utang sa buwis sa pamamagitan ng pagkakaloob ng libreng serbisyong medikal sa mga mahihirap na residente ng QC. (Ulat ni Angie dela Cruz)