Kinilala ni PNP-AID-SOTF Chief P/Deputy Director General Edgar Aglipay ang mga nasakoteng suspect na sina SPO3 Rodel Castalone, PO1 Jefferson Gonzalez, PO1 Salvador del Mundo, pawang ng Anti-Narcotics Unit ng Mandaluyong City Police at ang asset ng mga itong sibilyang si Dennis Soriano.
Sinabi ni Aglipay, batay sa report ni P/Supt. Arnold Blackjack Aguilar, hepe ng raiding team, ang apat ay dinakip base sa reklamo ni Alicia Lloreta ng Cavite City.
Ayon sa salaysay ni Lloreta, dinakip ng grupo ni Castalone ang kanyang anak na si Jericho, 33, noong nakalipas na Martes ng hapon habang naglalaro ng tong-its sa bahay ng isa nitong kaibigan na umanoy pinaratangang drug pusher.
Nang magtungo umano sila sa himpilan ng pulisya ay hinihingan sila ng mga suspect ng P100,000 na naibaba sa P50,000 kapalit ng kalayaan ng kanyang anak.
Agad namang dumulog sa tanggapan ng PNP-AID-SOTF ang ginang upang magharap ng reklamo laban sa nasabing mga pulis.
Lingid sa kaalaman ng mga tiwaling pulis ay nakaposte na ang mga tauhan ni Aglipay at dinakip ang sibilyang si Soriano sa aktong tinatanggap ang inisyal na P20,000 mula sa nasabing ginang kung saan ay ikinanta naman nito ang tatlong pulis na siyang nag-utos sa kanya na kunin ng nasabing halaga.
Hindi na nakapalag ang apat matapos na arestuhin ang mga ito ng mga tauhan ng PNP-AID-SOTF.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na isa pang sibilyan na kinilalang si Reynaldo Ibea ng #57 Coronado St., Mandaluyong City ang muntik na ring mabiktima ng grupo ni Castalone.
Nabatid na si Ibea ay pinaratangan ding drug pusher at hinihingan ng mga suspect ng P100,000 upang hindi na umano ipursige ang kaso laban dito.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal at namemeligro pang masibak sa serbisyo ang nasabing mga tiwaling pulis at damay din ang kasabwat ng mga itong sibilyan. (Ulat nina Joy Cantos at Edwin Balasa)