Nakilala ang nakatakas na kidnap-victim na si Tiffany David, 20, kumukuha ng BS-Office Management sa STI at residente ng St. Francis Village, Dolores, Pampanga.
Nabatid naman na anak ito ng isa sa may-ari ng V-Meg Corporation na gumagawa ng mga patuka ng manok at pagkain ng baboy.
Sa salaysay ng biktima sa WPD-General Assignment Section, nag-aabang siya ng sasakyan papauwi ng bahay kamakalawa ng gabi sa tapat ng SM Pampanga nang lapitan siya ng isa sa anim na suspect at paamuyin ng pampatulog gamit ang isang panyo.
Naramdaman na lamang umano niya na nakasakay siya sa isang van at nang tuluyang balikan ng ulirat ay nasa loob na siya ng isang bodega.
Napansin din nito na nakatulog ang dalawa niyang bantay kayat sinamantala niya ang pagtakas.
Kahit na nakayapak at nakauniporme pa ay narating niya ang Monumento kung saan isang matandang babae ang tumulong sa kanya at dinala siya sa Maynila ngunit nagpaiwan na lang siya sa may Baywalk, Roxas Boulevard sa Malate.
Sa paglakad niya ay nakarating ito sa UN Avenue kung saan tinulungan ng isang Renato Manggiya, miyembro ng Public Safety Office ng Manila City Hall. Dinala nito ang biktima sa tanggapan ng WPD at doon na nagsumbong.
Nabatid pa na isang bodega sa Caloocan dinala ang biktima. Isang operasyon naman ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga suspect. (Danilo Garcia)