Ginang natusta sa plug ng tv

Nasawi ang isang ginang matapos itong makuryente nang bunutin nito ang plug ng kanilang TV set, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Patay na nang idating sa Tondo Medical Center ang biktimang si Helen Ramos, 30, ng Block 2, Damata St., Letre Road, Brgy. Tonsuya ng nabanggit na lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Bago ang insidente, kasalukuyang nanonood ng TV ang anak ng nasawi nang sawayin ito ng ginang at utusang matulog. Hindi pinansin ng bata ang utos ng ina dahilan upang ang ginang na ang maghugot ng plug ng kanilang TV.

Lingid sa kaalaman ng namatay ay may hiwa ang kurdon ng TV kung saan nang mahawakan ito ng ginang ay agad itong nagkikisay.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang ginang subalit sa lakas ng boltahe ng kuryente na pumasok sa katawan nito ay hindi na ito umabot pang buhay. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments