Ito ang iniutos kahapon ni Interior and Local Government Secretary Angelo Reyes kasabay ng pahayag na kailangang agad na maparusahan ang mga pulis na sina PO2 Cenon Carolino ng Makati City Police; PO1 Rommel Marquita; PO1 Reynaldo Coronel at PO2 Marcelino Taduyo ng Pasay City Police na nahuli sa aktong itatapon ang kanilang isinalvage na nakilalang isang Gilbert Garcia, ng Brgy. Tenejeros, Makati at sinasabing isang kilabot na holdaper/ snatcher.
Maging si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nag-utos na rin ng mabilis na imbestigasyon at paglilitis sa mga sangkot sa insidente ng salvaging.
Kasabay ng kanyang direktiba, kinondena ng Pangulo ang naturang insidente na anyay walang puwang ang ganitong pagpaslang sa isang sibilisadong lipunan.
Posible rin umanong managot ang mga opisyal ng apat na salvage cops kapag napatunayang may basbas ang mga ito sa ginawang krimen ng kanilang mga tauhan.
Ayon sa ilang vendor, tatlong araw na umanong nakapiit sa Station 6 ng Pasay Police ang suspect na si Gilbert.
Dakong alas-9 ng gabi noong Huwebes nakita nila itong inilabas ng pulis na si PO2 Taduyo, hanggang sa mabuko na nga ng madaling araw ng Biyernes ang ginawang pagsalvage sa holdaper.
Sa isinagawang imbestigasyon, inamin ng mga pulis na nagawa lamang nila iyon dahil na rin sa paghihiganti matapos na patayin ni Gilbert ang kasamahan nilang si PO1 Jesus Tadeo ng Pasay City police.
Kasalukuyang nakapiit ang apat na pulis na kinasuhan na rin ng kidnapping with murder.
Tiniyak ni Reyes na walang magaganap na white wash sa isinagawang imbestigasyon dahil nararapat lamang na matanggal sa serbisyo ang mga ganitong uri ng pulis na nagbibigay ng dungis sa PNP. (Ulat nina Doris Franche,Lilia Tolentino at Lordeth Bonilla)