Ayon sa Dept. of Foreign Affairs at OWWA, bandang alas-2:45 ng hapon ng lumapag ang sinasakyan ng mga OFWs na Qatar Airways sa NAIA.
Nakilala ang mga dumating na kasamahan ni Angelo na sina Salman Ali Abdulsatar, Santiago Esteves Jr., Alfonso Francisco, George Dumangcas at Vicente Consigna, pawang mga empleyado ng Prime Projects International (PPI) na nakabase sa Baghdad.
Sinabi ni Angelo na mula sa NAIA ay dumiretso ang limang nabanggit sa OWWA-OWADEC Halfway Home sa Pasay City upang pansamantalang manatili doon bago sila umuwi sa kani-kanilang tahanan.
"Pera lang ang habol namin kaya nagpunta kami ng Baghdad," pahayag ni Abdulsatar, kasabay nang pagsasabing aabot sa 3,000 Riyals o P43,000 ang ibabayad sa kanila kada biyahe.
Binanggit pa nito na kung bibigyan siya ng pagkakataon gaya ng ibinigay ng pamahalaan kay Angelo dela Cruz ay hindi na siya babalik sa Gitnang Silangan. (Ulat nina Ellen Fernando at Butch Quejada)