Nabatid na mas pinag-ibayo ngayon ang pagbabantay sa SAI bldg., sa panulukan ng Juan Luna at Padre Rada Street matapos na isang magnanakaw ang naaresto bitbit ang may 18 rolyo ng tela.
Nakapiit na ngayon sa WPD-Station 2, ang suspect na si Arnel De Leon, 31, binata, walang trabaho at residente ng Gate 16 Area D Parola Compound, Tondo.
Nadakip ito ng mga pulis na rumoronda sa paligid ng gumuhong gusali habang bitbit ang isang rolyo ng tela. Nadiskubre rin ang may 17 pang rolyo ng tela sa kanyang dalang kariton.
Samantala, nagdagdag na rin ng mga security guard ang Insular Bank sa paligid upang makasiguro na hindi mapapasok ng magnanakaw ang lugar na kinabagsakan ng bangko. Unti-unti nang tinatanggal ang mga debris upang makita ang vault ng bangko na may laman pang hindi mabatid na halaga ng pera.
Kasunod nito, nanghina ang negosyo sa Divisoria dahil sa kawalan ng kuryente matapos ang insidente dagdag pa ang re-routing sa trapiko.
Ayon naman sa Manila City Engineering Office, tinatayang isang buwan pa bago tuluyang malinis ang mga labi ng gusali para maibalik sa normal ang naturang lugar.
Patuloy naman na nagsasagawa ng imbestigasyon ang 9-man committee na binuo ni Manila Mayor Lito Atienza kung saan binusisi ang mga papeles ng naturang gusali habang nakatakda ring isailalim sa imbestigasyon ang kontraktor at inhenyero nito matapos ang balita na mahina ang pagkakagawa ng pundasyon at mahinang klase ang materyales na ginamit sa konstruksyon. (Ulat ni Danilo Garcia)