Tinatayang dakong alas-4:40 ng hapon nang tuluyang gumuho ang SAI Building sa panulukan ng Juan Luna at Padre Rada St. sa Divisoria.
Nabatid na ilang bahagi ng gusali ang bumagsak sa katabing restaurant. Nagkalat sa naturang nabanggit na mga lansangan ang malalaking tipak ng bato habang napakakapal ng alikabok dahil sa pagguho.
Sa inisyal na ulat, wala namang nasawi sa pagguho matapos na mailikas agad ng mga kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Western Police District (WPD) ang mga tenants at nalagyan na ng kordon ang lugar kung kaya walang tao na nakalapit sa gusali.
Sinabi naman ni Office of Civil Defense-NCR Director Frank Castillo na pinapalipas nila at ng BFP at Manila City Hall Engineering Office ang 30 minuto bago pasukin ang naturang gusali para matiyak kung walang nakulong sa gusali at magsagawa ng imbestigasyon.
Sa inisyal ng pagsusuri ng mga inhinyero, mahina umano ang pundasyon ng gusali na lalong naapektuhan ng construction ng dalawa pang gusali sa tabi at likod nito.
Nagsasagawa naman ng mahigpit na pagbabantay ang mga kagawad ng pulisya sa naturang gusali upang hindi mapasok ng mga magnanakaw lalo na at hindi umano nakuha ang lamang pera ng kaha de yero ng Insular Bank na nasa unang palapag.(Ulat nina Danilo Garcia at Gemma Amargo)