Bukod sa parusang kamatayan, pinagbabayad din ni Judge Romulo Lopez ng RTC Branch 18 ang akusadong si Eduardo Maningas, 45, construction worker at kapitbahay ng biktima ng P50,000 bilang danyos kay Michelle (di-tunay na pangalan), 35, na noon ay 3-buwang buntis.
Lumalabas sa rekord ng korte na naganap ang insidente noong Abril 10, 2003 nang pasukin ng akusado ang bahay ng biktima dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa #493 Interior 3 Dandan St., Tondo, Manila, habang wala ang asawa nito.
Bigla na lamang umanong naramdaman ng biktima na mayroong taong nakadagan sa kanya na mayroong mabahong amoy at nakasuot ng itim na bonnet sa mukha kayat alam nito na hindi niya ito asawa dahilan upang magpumiglas siya subalit mayroon umanong nakatutok na patalim kay Michelle, dahilan upang magmakaawa ito at sabihing buntis siya.
Sa halip na maawa ay sapilitan umanong hinubad ng akusado ang pantalon ng biktima at ginahasa ito. Matapos ang panggagahasa ay nagpakilala pa umano si Maningas at nagbanta na huwag magsusumbong dahil sa mayroon siyang kasama sa labas at mapapahamak ang 13-taong gulang na anak na babae ni Michelle.
Matapos ang panggagahasa ay mabilis na lumabas ng bahay ang biktima at nagpasama sa kanyang nanay sa himpilan ng pulisya upang isumbong ang ginawa ng akusado na mabilis na naaresto sa Dandan St., Tondo.
Samantala, kamatayan din ang inihatol ni Judge Lopez kay Joseph dela Paz ng #732 Int. 24 Bagong Bayan, Sta. Mesa, Manila matapos nitong gahasain si Jennifer, 35, isip-bata.
Base sa rekord, naganap ang panggagahasa ng akusado sa biktima noong Mayo 16, 1999 dakong alas-11:30 ng gabi habang nasa banyo si Jennifer na nakatayo sa labas ng kanilang bahay.
Dahil sa 30 minuto nang hindi pumapasok ng bahay ang biktima matapos itong magpaalam na dudumi ay sinundan ito ng nakatatandang kapatid at asawa nito at kinatok ang banyo.
Matapos ang 20 minuto na pagkatok ng mag-asawa at hindi pa rin binubuksan ang pinto, nagdesisyon ang kapatid ng biktima na tadyakan ang pinto at dito tumambad ang hubad na katawan ng dalawa at sinuntok nito ang akusado samantalang mabilis nitong pinapasok ang kapatid.
Nabatid na magkaibigan ang kapatid ng biktima at akusado at madalas pumapasyal sa kanilang bahay kaya alam nito na mayroong diperensya sa pag-iisip si Jennifer. (Ulat ni Gemma Amargo)