Sa ginanap na press briefing kahapon sa tanggapan ng Phil. Air Force (PAF) sa Villamor Air Base sa Pasay City iniharap ng mga opisyal sa pangunguna ni PAF Chief Major Gen. Jose Reyes sa mediamen ang mga nasakoteng suspect.
Kinilala ang mga nasakoteng suspect na sina Gulshan Kumar, Indian national; Avtar Singh, Indian national; Sirajul Islam Raju, Bangladesh at mga kasabwat ng mga itong Pinoy na sina Miguel Mapalad, Eraline Ycot, Ima Inrico, Ivy Custumbrado at ang bulag na si Anthony Inrico.
Sinabi ni Reyes na ang mga suspect ay dinakip ng pinagsanib na elemento ng 300th Air Intelligence Group ng Phil. Air Intelligence Security Agency ng PAF sa pakikipagtulungan ng Bureau of Immigration (BI) at PNP sa bisa ng search warrant, seizure at mission order sa hideout ng mga ito sa mga lungsod ng Makati, Mandaluyong, Pasig, Las Piñas na umabot pa sa karatig bayan ng Bacoor, Cavite sa loob ng ilang araw na operasyon simula nitong Hulyo 16 hanggang kahapon.
Ayon kay Reyes, ang nasabing cyber crime syndicates ay sangkot sa hacking ng mga telecommunication system partikular na ang mga multi-national business companies sa bansa.
Sa inisyal na imbestigasyon ay napag-alamang illegal na nagnanakaw at nagbebenta ang mga suspect ng tawag sa International Direct Dialing (IDD) sa kanilang mga kliyente na karamihan ay mga dayuhan sa ibang bansa sa murang halaga.
Nabatid na malayang nakapagsasagawa ang mga suspect ng ilegal na operasyon sa pamamagitan ng pagkonekta sa Private Automatic Branch Exchange System ng mga pribadong korporasyon o ang hindi awtorisadong call-calling.
Sinabi naman ni Atty. David Narvasa na umaabot sa P197 M ang nalugi sa PLDT dahilan sa ilegal na aktibidad ng sindikato mula noong 1998 hanggang 2004.
Natuklasan lamang ang anomalya matapos na magreklamo sa kanilang tanggapan ang mga pribadong korporasyon na nagkaroon ng problema sa kanilang mga telepono matapos na mapasukan ng illegal calls na hindi naman sila ang gumagamit.
Inihahanda na ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga nasakoteng suspect. (Ulat nina Joy Cantos at Grace dela Cruz)