Kaagad na pinabalik si Fennaz V. Dias sa bansang kanyang pinanggalingan ilang oras makaraang dumating ito sa Centennial Terminal 2 lulan ng Philippine Air Lines flight PR 508 mula sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nakumpiska mula sa dayuhan ang pekeng French passport na may pangalang Jacques Turmonde na kanyang ipinakita sa Immigration center, at plane ticket patungong Auckland, New Zealand.
Napag-alaman na habang nakapila si Dias sa Immigration lane, napansin ng isang miyembro ng BI Monitoring Unit ang kakaibang ikinikilos nito at pati na rin ang kanyang hawak na pasaporte.
Tinanong ng BI agent ang dayuhan ng salitang French na ang ibig sabihin sa salitang English ay "good morning" subalit hindi kaagad ito nakasagot.
Inulit pa umano ng ahente ang kanyang tanong subalit umiling lamang ang dayuhan kaya nagduda na ang kawani ng BI at kaagad siyang dinala sa interrogation room upang siyasatin.
Sa matinding pagtatanong, inamin ng dayuhan ang kanyang tunay na pagkatao at inilabas nito ang kanyang tunay na Greek passport na nakatago sa kanyang belt bag.
Natuklasan ng mga kawani ng BI na may derogatory information si Dias mula sa Interpol (International Police). Ayon sa report ng Interpol, isa umanong pinaghihinalaang miyembro ng Greek extremist ang dayuhan na ipinadadala sa ibat ibang bansa (sleeper agent) upang magsagawa ng surveillance sa mga embahada. (Ulat ni Butch Quejada)