ID system at fast lane ipapatupad sa Bilibid

Upang paigtingin ang mahigpit na seguridad, ma-monitor ang lahat ng mga pumapasok sa mga bilangguan lalu na sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa at mapabilis ang proseso, nakatakdang ipatupad ng Bureau of Corrections (BuCor) ang ID System at Fast Lane sa lahat ng mga dumadalaw na bilanggo.

Isinagawa ang ganitong hakbang ng BuCor matapos umanong mabunyag na ilang mga dalaw ang ilang araw na nagtatagal sa loob ng kulungan na kung saan ay mahigpit itong pinagbabawal ng pamunuan ng NBP at sa iba pang mga kulungan sa bansa.

Nabatid na ipatutupad sa lahat ng mga dalaw ang ID System upang madaling ma-monitor kung ang mga ito ay lumalabag sa policy ng nabanggit na bilangguan.

Bukod dito, ipatutupad din ang fast lane system upang mapabilis ang sistema ng pagtanggap ng mga bisita at madaling masala ang mga ito kung sakaling may hindi magandang tangka sa loob ng bilangguan.

Nabatid na hihingin ng pamunuan ng NBP ang lumang-X-ray machine ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang higit aniyang maging epektibo ang mga ipinatutupad na bagong pamamalakad at programa sa loob. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments