Ayon kay Agnes Engulto, pangalawang asawa ni Manuel Abad na kasalukuyang comatose sa New Medical City sa Mandaluyong na handa siyang ubusin ang kanyang salapi para lamang mailigtas ang kanyang asawa upang makapiling muli kasama ang kanilang dalawang anak.
Sa pagdinig ng kaso kahapon sa sala ni Judge Bricco Ynaga ng Pasig RTC Branch 153, nabatid na inatake sa puso si Manuel Abad, 57, isang health consultant sa isang ospital na pag-aari ni Engulto, noong Hunyo 14 ng gabi at itinakbo sa nasabing pagamutan. Naging comatose ito at kinakailangang lagyan ng life support system para mabuhay at kinakailangan ng P60,000 kada araw na gastos para sa mga gamit.
Subalit isang linggo ang nakalipas ay lumala ang kalagayan ni Abad kaya nagdesisyon ang unang asawa nito na si Ma. Cristina Abad na putulin na ang life support para hindi na rin maghirap si Manuel.
Mariin naman itong tinanggihan ni Engulto dahil wala raw karapatan si Ma. Cristina na patayin ang buhay pa.
Sinabi rin ni Engulto na siya ang gumagastos ng P60,000 kada araw para sa life support system ni Manuel Abad. (Ulat ni Edwin Balasa)