Pormal na pinirmahan kahapon nina NCRPO chief Director Ricardo de Leon at Tourism Secretary Roberto Pagdanganan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa programang TOP-COP (Tourist Oriented Police- Community Oriented Police) sa WOW Philippines sa Intramuros, Maynila.
May 1,000 pulis buhat sa NCRPO-Civil Disturbance Management Unit ang nanumpa kahapon upang maging unang batch na bubuo sa mga tourist police.
Ayon naman kay Pagdanganan, isang malaking tulong sa industriya ng turismo ang naturang programa upang mas higit pang makahatak ng mga turista ang bansa.
Pinag-aaralan din ngayon ni Pagdanganan kung ipapakalat pa ang naturang programa sa buong bansa partikular na sa mga lugar na malakas ang hatak ng turismo. (Ulat ni Danilo Garcia)