Binatilyo nadaganan ng tangke ng tubig,ddo

Isang 14-anyos na batang lalaki ang nasawi matapos itong madaganan ng tangke ng tubig, kahapon sa Las Piñas City.

Nasawi noon din ang biktimang si Marlon Torana, taga-San Antonio Valley, Brgy. Salud ng nabanggit na lungsod matapos na maipit ang ulo nito.

Sa sketchy report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng tanghali sa Block 1, Lot 3. Rosas St., San Antonio Valley, Brgy. Tatalon ng naturang lungsod.

Nabatid na sumama ang biktima sa kanyang pinsan upang magdeliber ng tubig sa bahay ni Julio Oquillo.

Umakyat ang biktima sa ibabaw ng tangke na naglalaman ng 1,000 galong tubig kung saan bigla itong tumagilid, dahilan upang matumba ang tangke at naipit ang ulo ng biktima. Sinikap itong iligtas ng helper na si Gerardo Dupan, ngunit sa bilis ng pangyayari ay agad itong binawian nang buhay. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments