Paglilitis sa mga nagtanim ng bomba sa MM,sinimulan na

Nagsimula na kahapon ang paglilitis ng Department of Justice (DOJ) laban sa isang police colonel na umano’y utak sa bigong pambobomba sa Metro Manila at sa tatlo pang suspect na kinasuhan ng PNP-CIDG.

Isinailalim na sa inquest proceedings ni DOJ State Prosecutor Emmanuel Velasco si Sr. Supt. Roberto Camarista na umano’y siyang mastermind; Benjamin Sim, isang alyas Lord, alyas Sagi at ang mga suspect na sina Dante Fuentes, Antonio Mercader at Rollie Pillado, kaugnay sa mga kasong illegal possession of firearms, ammunitions and explosives at kasong conspiracy to commit rebellion.

Sina Fuentes, Mercader at Pillado ay mga caretaker ni Camarista na inaresto noong nakalipas na Hunyo 22, dakong alas-10 ng gabi sa tahanan nito sa Lot 3, Block 6, Stanford Executive Village, San Isidro, Cainta, Rizal.

Pinag-aaralan naman ng DOJ kung maaaring gawing state witness si Fuentes matapos nitong ituro si Camarista na siyang umano’y mastermind sa tangkang pambobomba sa gusali ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Samantala, mananatili namang nakakulong ang naturang akusado sa CIDG detention cell habang hinihintay ang susunod na imbestigasyon na itinakda sa Hulyo 30. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments