Habambuhay sa 4 na shabu chemist

Parusang habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol kahapon ng Pasig Regional Trial Court (RTC) sa apat na Chinese na nahuli sa aktong gumagawa ng shabu sa isinagawang raid sa isang laboratoryo sa nabanggit na lungsod noong nakalipas na 2001.

Nadismaya naman ang mga operatiba na nakahuli sa apat na dayuhan sa naging hatol ng korte na ang kanilang inaasahan ay parusang bitay ang igagawad sa mga ito dahil sa dami ng shabu na nasamsam sa mga ito.

Sa tatlumpung pahinang desisyon ni Judge Leoncio Janolo Jr. ng Pasig RTC Branch 264 pinagbabayad din ang mga akusadong sina Chua Chi Li, Huang Hong Wei, Joey Lu at Xingfu Wang ng tig-isang milyong danyos makaraang mapatunayan sa kasong illegal possession and manufacture of dangerous drugs.

Ang naging desisyon naman ni Janolo ay binatikos ng grupong Volunteer Against Crime and Corruption na buong puwersang nagtungo sa korte sa pamumuno ni Martin Diño upang saksihan ang paghatol.

Ayon kay Diño nagkakaroon umano ng ‘milagro’ sa mga hatol ng mga nahuhuling Chinese na sangkot sa mga malalaking shabu laboratory sa bansa.

Sinabi pa nito na ito na ang pang-apat na insidente kung saan hinatulan lang ng korte ng habambuhay na kaparusahan ang mga akusadong dayuhan na nahuli sa malalaking shabu raid.

"Sa lumang batas natin pag-nahulihan ka ng 200 gramo ng shabu pataas ay nangangahulugan na ito ng parusang kamatayan at sa bagong batas 50 gramo pa lamang bitay na ang katapat, bakit itong kilo-kilong shabu ay habambuhay ang naging parusa, nagkakaroon ng "pattern" ang mga korte pagdating sa mga Tsinoy na nahuhuli sa droga," pahayag pa ni Diño.

Matatandaang naaresto ang mga akusado noong Nobyembre 6, 2001 sa isinagawang raid sa shabu laboratory sa Brgy. Kapitolyo sa Pasig. Nasamsam sa mga ito ang anim na kilong shabu, 200 kilo ng liquified shabu na kasalukuyan pa lamang niluluto noon ng mga akusado, mga baril at mga pampasabog.

Dapat ay noon pang nakaraang linggo isinagawa ang arraignment sa kaso subalit bigla itong ipinagpaliban ni Judge Janolo. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments