UP nursing student todas sa holdap

Nasawi ang isang nursing student ng UP-Manila matapos na pagsasaksakin ng apat na holdaper na nambiktima sa kanya habang sakay ng isang pampasaherong van, kamakalawa ng gabi sa Ermita, Maynila.

Hindi na umabot pang buhay sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang nakilalang si Jim Carlo Calug, 20, binata at residente ng Hyacinth St., Pilar Village, Las Piñas City.

Patuloy namang kinikilala ngayon ng pulisya ang mga tumakas na suspect.

Sa ulat ng WPD homicide Division naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi malapit sa panulukan ng Taft Avenue at Remedios Sts. sa Ermita, Maynila.

Ayon sa driver ng pampasaherong van na nakilalang si Renato Bumanlad, sumakay ang biktima at pumuwesto sa likuran ng kanyang van. Idinagdag nito na nakapuwesto ang dalawa sa mga suspect sa tabi ng biktima sa likod at ang isa pang kasamahan ng mga ito ay sa gitnang bahagi naupo.

Nang makarating sa panulukan ng Remedios at Taft Avenue napansin na umano niya na nagkakagulo sa likod ng van. Mabilis niyang inihinto ang sasakyan kung saan bumaba ang biktima na sinundan ng mga holdaper.

Nakita pa niya na nakipagsuntukan ang biktima sa mga suspect na kanya na sanang tutulungan. Kinuha na umano niya ang dala niyang tubo ngunit nang puntahan na niya ang biktima ay nakita niyang nakalugmok at duguan na ito.

Mabilis niyang isinugod sa pagamutan si Calug subalit hindi na ito umabot pang buhay.

Isang manhunt operation naman ang inilunsad ng pulisya laban sa mga suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments