Nakilala ang mga nadakip na sina Arnel Canque, 40, lider ng nasabing grupo; Edgar Bendong, 28; Bryan Turing, 25 at Ferdinand Araneta, 34. Ang mga suspect ay pawang mga security guard ng iisang security agency na hindi muna pinangalanan.
Nasamsam sa mga ito ang matataas na kalibre ng mga baril, ilang ID cards at mga ATM cards na pinaniniwalaang pag-aari ng kanilang mga naging biktima.
Ayon sa ulat, nadakip ang apat dakong alas-4 ng hapon sa kahabaan ng Padrigal St., Brgy. Karuhatan, Valenzuela City.
Nabatid na nakatanggap ang pulisya ng impormasyon tungkol sa isasagawang payroll holdup ng grupo sa lugar kung kayat agad na bumuo ng team ang pulisya at nag-surveillance sa naturang lugar. Doon nga natiyempuhan ang mga suspect na naghahanda sa kanilang operasyon.
Nabatid pa na ang naturang grupo ay sangkot sa panghoholdap sa Allied Bank Corp. sa Paso de Blas sa Valenzuela noong nakalipas na Hunyo 11, 2003. (Ulat ni Rose Tamayo)