Ayon kay Lanot, kasong illegal arrest, coercion at physical injuries ang isasampa nito laban kay PCP 5 Station Commander Supt. Elmer Jamias kasama ang mga tauhan nito dahil sa pambobomba ng tubig at marahas na pang-aaresto sa kanya sa kanilang ginawang protesta sa Comelec noong Miyerkules ng tanghali.
Dagdag pa ni Lanot na isasama rin niya sa demanda si WPD District Director General Pedro Bulaong dahil ito umano ang nag-utos kay Jamias na puwersahan nang buwagin ang mga rallyista.
Napag-alaman na maging si Lanot ay pinosasan ng mga tauhan ng WPD kasama ng kanyang mga supporters.
Magugunitang nagtungo ang kampo ni Lanot sa Comelec office na matatagpuan sa Intramuros, Manila noong Miyerkules upang iprotesta ang umanoy kabiguan ng poll body kaugnay sa disqualification case ni Pasig Mayor-elect Vicente Eusebio. (Ulat ni Edwin Balasa)