Kinilala ni PNP-AID-SOFT chief P/Deputy Director General Edgardo Aglipay ang dayuhang suspect na si Akira Nemoto, 40, tubong-Tokyo, Japan at may Japanese passport IG181957.
Kabilang pa sa mga nasakote ay ang magkapatid na sina Ferdinand, 45, ng Pasay City at Ernesto Esquivel, 35, ng Bonifacio Ave., Quezon City.
Nabatid na ang mga suspect ay nasakote dakong alas-5 ng umaga kamakalawa sa isinagawang buy-bust operations sa panulukan ng Pablo Ocampo Sr. St. at Taft Ave., Manila.
Nakuha mula sa pag-iingat ng mga ito ang 92 gramo ng shabu at mga drug paraphernalia.
Ayon sa opisyal, nagsagawa sila ng buy-bust operations sa nasabing lugar matapos makatanggap ng report hinggil sa paggamit ng illegal na droga ng nasabing Hapones.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2000 ang mga nasakoteng suspect.
Samantala, kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang PNP-AID-SOFT sa tulong ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) sa Japanese Embassy hinggil sa kasong kinasasangkutan ng nasabing Hapones. (Ulat ni Joy Cantos)