Nakilala ang suspect na si PO3 Julieto Borja, 53, ng Vision St., Sta. Cruz, Maynila at nakatalaga sa Station 10 ng Central Police District.
Ayon kay NAKTAF chief Angelo Reyes si Borja ay responsable sa pagdukot sa biktimang si Ronalyn Manatad nitong nakalipas na Mayo 26, 2004 malapit sa kanilang tahanan sa Brgy. Central, Diliman, Quezon City.
Si Borja ay nadakip ng mga operatiba ng NAKTAF sa aktong tinatanggap ang P100,000 ransom na hiningi nito sa pamilya ni Manatad kapalit ng pagpapalaya sa biktima, sa isinagawang entrapment operation dakong alas-3:30 ng hapon sa Wildlife Park, Quezon City.
Nabatid na ang biktima ay puwersahang tinangay ng dalawang hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan at isinakay sa isang kulay abong Mitsubishi L-300 van na may plakang UAW-168 na tumahak sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod.
Agad namang inireport ng kapatid ng biktima na si Edwin Silvio sa mga awtoridad ang pagdukot sa kanyang kapatid.
Dahil dito agad na pumoste ang mga tauhan ng NAKTAF sa lugar na napagkasunduan ng bayaran kung saan doon nadakip ang suspect na pulis.
Si Borja ay nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention kasama ang apat pa nitong kasamahan. (Ulat ni Joy Cantos)