Witness sa "Mama Elay" killing pina-torture ng 2 pulis

Dalawang pulis sa CPD-Criminal Investigation Unit (CIU) ang nakatakdang sampahan ng kaso makaraang iturong siyang nag-utos sa mga preso para pahirapan at gulpihin ang driver ng nasawing showbiz writer na si Ellie Formaran, alyas Mama Elay kamakailan sa Quezon City.

Ayon kay Froilan Flancia, driver ni Mama Elay na sobrang hirap ang kanyang dinanas sa mga preso ng CIU matapos siyang sapilitang ipasok sa selda ng dalawang pulis.

Sinabi ni Flancia na makikilala niya ang dalawang pulis sakaling i-line up ang mga ito.

Nabatid na nagtamo ng sugat sa ulo at pasa sa katawan bukod pa sa pagdudugo ng kanyang mga kuko sa paa ang biktima sa kamay ng mga preso.

Iginiit ni Flancia na tinorture siya ng mga bilanggo sa utos ng mga pulis at sapilitang pinaaamin sa kanya ang pamamaslang sa kanyang amo.

Inamin naman ni CPD-CIU chief Supt. Popoy Lipana na pinasok nila sa selda si Flancia subalit itinanggi na may kinalaman ang kanyang mga tauhan sa pambubugbog dito. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments