Ito naman ang anggulong lumilitaw sa isinasagawang imbestigasyon ng pamunuan ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU) hinggil sa pagpatay at tangkang panununog kay Formaran kamakailan sa kanyang bahay sa Quezon City.
Ayon kay CPD-CIU chief Supt. Popoy Lipana, lumilitaw sa awtopsiya na dalawang uri ng patalim ang ginamit at dalawang tao din ang responsable sa pamamaslang kay Formaran, 52 nang matagpuan ito sa loob ng kanyang townhouse unit sa 11 Castillo St. Brgy. Valencia, ng nabanggit na lungsod.
Si Formaran ay nagtamo ng 15 saksak sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan. Mayroon ding palatandaan na sinakal ang biktima bago tinangkang sunugin ng hindi pa nakikilalang mga suspect.
Sinabi pa ni Lipana na malapit na nilang malutas ang kaso subalit tumanggi muna siyang magbigay ng iba pang detalye upang hindi maudlot ang isinasagawang follow-up operation laban sa mga suspect.
Matatandaan na si Formaran ay ikalimang bading na brutal na pinaslang sa Quezon City.
Subalit sa kabila nito, hindi kinukumpirma ng mga awtoridad na ang mga namatay ay biktima ng serial killer.
Ilan sa mga motibong sinasabi ng pulisya ay ang galit ng suspect sa third sex, hindi pagbabayad ng serbisyo at pagnanakaw.
Samantala, sinabi naman ng psychic na si Jojo Acuin na dumanas umano ng matinding hirap sa kamay ng mga bakla ang killer noong ito ay nasa kabataan pa lamang at dahil sa sobrang pahirap at kalapastanganan ay nagmarka sa kanyang kaisipan ang hangaring makapaghiganti.
Posible pa umanong galing sa isang may kayang pamilya ang mga suspect kung saan ay nagkaroon ito ng diperensiya sa pag-iisip at sinusumpong kapag ito ay nakikipagtalik na sa mga bakla.
Sinabi din ni Acuin na pawang mga "one night stand" lang ang nagiging relasyon ng biktima at ng killer nito.
Ang mga biktima ay pawang taga-Quezon City at nagtamo ng tama sa ibat ibang bahagi ng katawan na hindi bababa sa sampung saksak kung saan ang paring si Robert Tanghal ang nagtamo ng 40 at pinakamaraming saksak sa katawan. (Ulat nina Doris Franche at Edwin Balasa)