Manhunt sa killer ng showbiz writer,sinimulan na

Sinimulan na kahapon ng mga tauhan ng pulisya ang malawakang paghahanap sa killer ng showbiz writer na si Ely Formaran na lalong kilala sa tawag na Mama Elay.

Kasabay nito, inilabas na rin kahapon ng pulisya ang cartographic sketch ng killer base sa pagsasalarawan ng mga testigo na huling nakakita dito.

May lead na rin ang pulisya kung saan ang mga lugar na posibleng pagtaguan nito.

Samantala, isang kahawig ng suspect na dinampot ng pulisya ang pinakawalan rin kahapon ng mga awtoridad matapos na matiyak na hindi ito ang suspect.

Kinumpirma ni Col. Jose Garcia, hepe ng CPD Criminal Investigation Unit-Homicide Division na pinalaya rin nila matapos kuwestiyunin ang hinuling si Salvador Balanza makaraang hindi ito direktang tukuyin ng driver at katulong ni Formaran na siyang pumaslang sa kanilang amo.

Inalis din ng pulisya ang anggulong atraso sa naganap na krimen at mas tinitingnan nila ang anggulo ng pagnanakaw.

Magugunitang ang labi ni Formaran ay natagpuang nakahandusay sa loob ng comfort room sa ikatlong palapag ng tinitirhan nitong condominium sa Quezon City kamakalawa ng umaga.

Sinasabing ang suspect na umano’y lover ng nasawi ay kakikilala pa lamang ng biktima. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments