Baril ng pulis gamit ng perso sa pagpapakamatay

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang jail guard na nagmamay-ari ng baril na ginamit ng isang preso sa pagpapakamatay sa loob ng comfort room ng Makati City jail.

Bukod sa imbestigasyon ng homicide section ng Makati Police nagsasagawa din ng hiwalay na imbestigasyon ang intelligence division ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) laban kay JO1 Ramon Dalos na may-ari ng baril na ginamit sa pagbaril sa sarili ng presong si Teddy Reyes, may kasong carnapping at nakatira sa Gamban St., Pasay City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng hapon ng maganap ang pagpapatiwakal ni Reyes sa loob ng CR ng selda 3 brigada ng mga Sigue-Sigue Sputnik sa Makati jail.

Nabatid na kasalukuyan umanong naliligo si Dalos sa CR ng kanilang barracks sa likod ng nasabing kulungan nang ransakin ni Reyes ang kandado ng pintuan sa barracks.

Napasok ng preso ang barracks at tinangay ang .9mm service firearm ni JO1 Dalos, maging ang wallet nito at cellphone bago muling bumalik sa kanyang selda kung saan ipinakita pa nito ang baril sa kanyang mga kakosa at sinasabing pupuga siya.

Kaagad namang ipinagbigay-alam ng mga kakosa ni Reyes sa kanilang Mayor ang plano nito kaya pinatawag ito upang kumbinsihin na huwag ituloy ang binabalak.

Sa puntong ito nagkulong na si Reyes sa CR ng kanilang selda at ilang sandali pa ang umalingawngaw ay malakas na putok ng baril.

Dito na nadiskubre na nagbaril si Reyes sa bibig gamit ang ninakaw nitong baril sa pulis na si Dalos. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments