Ayon kay Chief Insp. Teofilo Javier, PCP-2 commander, bagamat narinig niya ang putukan, hindi na niya nakuha pang magresponde dahil na rin sa kawalan ng sapat na armas na tatapat sa mga baril na dala ng mga bank robbers na pinaniniwalaang miyembro umano ng Bonnet Gang at remnants ng Ilonggo Group.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang mga nanloob sa bangko ay pawang mga armado ng M-16, M-14, M-203 at carbine.
Sinabi din ni Javier na nakadispatch ang walo niyang tauhan sa MRT at sa Pantranco habang siya naman ay nagsasagawa ng inspeksiyon sa kanyang hurisdiksiyon at naiwan lamang sa PCP block ay desk officer na si SPO4 Rogelio Bartolome.
Subalit sa kanilang pagsisiyasat nakakuha sila ng empty shells ng M-14, calibre .45 at M-203.
Ayon naman kay Chief Insp. Rodolfo Jaraza, hepe ng CPD-DPIU, posibleng may kasabwat sa bangko ang mga suspect dahil alam nito ang oras ng dating ng armored van.
Sinisi din ng pulisya ang pamunuan ng bangko dahil wala man lamang itong nakakonektang alarma sa himpilan ng pulisya upang agad na naalarmahan ang iba pang police station.
Maging ang surveillance camera ng bangko ay sira kung kayat hindi makikilala ang mga suspect.
Kaugnay nito, anim sa 15 suspect ay nakilala ng mga awtoridad batay na rin sa carthographic sketch na nakuha ng pulisya mula sa mga saksi. (Ulat ni Doris Franche)