2 pang biktima ng 'chop-chop' natagpuan

Dalawa na namang pinagputul-putol na katawan ng lalaki ang natagpuan kahapon sa Quezon City, kung saan umaabot na sa 14 na biktima ng ‘chop-chop’ ang natatagpuan dito.

Dakong alas-11:30 ng gabi nang unang matagpuan ang torso sa may No. 91 Mendez Road, Barangay Baesa, Quezon City na nakalagay sa dilaw na sako. Nakita sa dibdib nito ang tattoo na ‘Jasmin’.

Makaraang ang dalawang oras ay natagpuan naman ng isang Gilbert Diaz sa ibabaw ng fly-over sa Aurora Blvd. sa EDSA sa Barangay Kaunlaran ang kanang kamay na nakalagay sa itim na plastic bag na may tattoo na ‘Elmer’, ‘Jasmin’ at ‘ Bahala Na Gang’.

Dakong alas-5:20 ng madaling-araw nang matagpuan pa ang isang torso ng lalaki sa may #29 Pluto St., Brgy. Bahay Toro. Nakapatong sa katawan ng bangkay ang isang folder na may nakasulat na ‘Ikaw ba ay biktima ng mandurukot? Katarungan para sa biktima! Kill the pusher!".

Ilang oras pa ang nakalipas natagpuan naman ang kanang kamay at mga paa.

Gayunman, hindi pa rin mahanap ang ulo ng mga ito.

Tinatayang umaabot na umano sa 14 ang nagiging biktima ng ‘chop-chop’ sa lungsod na pinaniniwalaang nilikida ng mga vigilante. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments