PNP inalerto sa pagdiriwang ng Labor Day

Isinailalim na simula kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa heightened alert ang buong puwersa nito sa Metro Manila kaugnay ng pagdiriwang ng Labor Day bukas (Mayo 1).

Kasabay nito ay nagpalabas na ng direktiba si NCRPO Chief Ricardo de Leon sa kanyang mga tauhan na bawal muna ang mag-bakasyon ngayon hanggang sa matapos ang Labor Day.

Ang direktiba ay isinagawa bunga ng inaasahang malawakang kilos-protesta ng ibat-ibang grupo sa nasabing okasyon.

Ang heightened alert ay sinimulan na dakong alas-12 ng tanghali kahapon.

Inihayag ni de Leon na binigyan na rin niya ng direktiba ang limang district directors upang ipakalat ang mahigit sa 3,000 pulis sa mga itinuturing na pangunahing instilasyon ng gobyerno tulad ng oil depot at iba pa.

Samantala, libu-libo pang puwersa ang ipapakalat naman sa mga transport terminals, shopping malls at iba pang mga pampublikong lugar. Mahigpit ding babantayan ang mga lugar na pagdarausan ng mga rali para maiwasan ang mga karahasan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments