Nasa kustodya na ngayon ng Muntinlupa City Police ang suspect na si Angelito Pragides, 56, assistant superintendent for operation ng NBP at naninirahan sa Type C, NBP Reservation Compound ng nabanggit na lungsod.
Sa reklamong natanggap ng Muntinlupa City Police mula sa complainant na si Nita Natal ng Quezon City nabatid na noong Abril 7 ng taong kasalukuyan dumalaw siya sa kanyang asawa na nakapiit sa NBP sa Maximum Security Compound.
Gayunman, nabalitaan niyang binartolina ang kanyang mister matapos mahulihan ng rice cooker na ginagamit umano nitong lutuan ng tuba at saka inilipat sa Abuyog, Leyte Penal Colony.
Noong Abril 16, nakiusap ang ginang sa suspect na si Pragides na ibalik ang kanyang mister sa NBP, Muntinlupa City.
Ngunit hiningan umano siya ng P20,000 kapalit ng pagpayag nito sa pabor na hinihingi ng ginang.
Nagpadagdag pa umano ang suspect ng halagang P10,000 kung saan pumayag ang ginang kayat ibinenta nito ang natitirang ari-arian, gayunman humingi rin ito ng tulong kay Capt. Ric Evidente ng Army dahil sa ginagawang panggigipit ng suspect.
Dakong alas-12:45 kahapon ng tanghali, naglunsad ng entrapment operation ang pulisya sa isang fastfood chain sa Barangay Poblacion sa Muntinlupa kung saan dinakip si Pragides. (Ulat nina Lordeth Bonilla)