8 kilo ng shabu nasamsam ng WPD

Tinatayang walong kilo ng shabu ang nakuha ng WPD sa posesyon ng isang Chinese national na drug dealer at kasamahan nitong Pinoy sa isang drug-bust operation, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Nakilala ang mga nadakip na sina Tony Lim, alyas Willy Chua, ng Ongpin St., Binondo at si Dats Angonday, 26, ng Dasmariñas, Cavite.

Ayon kay Supt. Mar Pedrozo, hepe ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Group na nakatanggap sila ng impormasyon sa isang asset sa pagbabagsak ng malaking halaga ng droga ng suspect na si Angonday.

Si Angonday umano ang isa sa pinakamalaking supplier ng droga sa lungsod ng Maynila kung saan may diretsang kontak ito sa mga sindikato na nagbabagsak ng bulto-bultong shabu.

Nasakote ang mga suspect sa inihandang buy-bust operation ng pulisya kung saan nasamsam sa mga ito ang 16 na mga plastic sachet na umaabot sa 8 kilo ng shabu at nagkakahalaga ng P16 milyon. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments