Ayon sa isang mataas na opisyal ng CPD na ayaw magpabanggit ng pangalan, posibleng may kinalaman ang isang grupo ng Muslim extremist sa paghagis ng isang granada sa mismong opisina ni Supt. Franklin Mabanag, hepe ng CPD-DIID bilang paghihiganti umano ng mga ito sa isinasagawang sunud-sunod na pagsalakay sa mga pinaghihinalaang pinagtataguan ng mga miyembro ng Al-Qaeda terrorist cell sa nasasakupan ng CPD.
Napag-alaman na si Mabanag ang team leader ng patuloy na isinasagawang pagsalakay sa pinaghihinalaang mga kuta ng mga terorista partikular na ang Al-Qaeda at Abu Sayyaf Group.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang pagpapasabog sa ikatlong palapag ng main office ng Camp Karingal kung saan malapit rito ang opisina ni CPD Director Chief Supt. Napoleon Castro.
Inihagis umano ang isang M2K fragmentation grenade sa palikuran ng opisina ni Mabanag na nagkataon namang nasa loob nito ang kanyang driver at bodyguard na si Leo Ismael Dulce kung saan malubha itong nasugatan sa nasabing insidente.
Si Mabanag naman umano nang mangayari ang pagpapasabog ay kasalukuyan nagpapahinga sa kanyang kuwarto sa loob ng kanyang opisina.
Sa kasalukuyan ay isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pamunuan ng pulisya hinggil sa nasabing insidente.(Ulat ni Rose Tamayo)