Nakilala ang nabiktimang mag-asawa na si Alfredo at Lynda Siapno, kapwa residente ng Corrugated Fiber Board Inc. Km 12, Sasa, Davao City.
Nahaharap naman ngayon sa kasong estafa at illegal recruitment sa Davao City Regional Trial Court ang apat na suspect na sina Angelita Magsino, Milagros Quezora at Jessica Principe, pawang buhat sa Philca Manpower and Placement Agency Inc. na nakabase sa Malate, Maynila at Lourdes Chan ng Naples Tower Consultant sa Pasay City.
Ayon sa mag-asawa, nakontak nila ang Philca sa pamamagitan ng Internet at nag-apply sila ng trabaho sa ibang bansa. Pinangakuan naman sila ng Philca na magiging mga taga-pitas ng prutas sa Australia na may malaking suweldo kung saan tatagal umano ang pagpoproseso ng kanilang papeles sa loob ng tatlong buwan.
Lumuwas naman sa Maynila ang mag-asawa upang personal na iproseso ang kanilang aplikasyon at nagbayad ng P160,000 bilang paunang placement fee. Nakumpleto nila ang pagbabayad nang magdeposito sila ng P40,000 sa ATM account ng Philca noong Pebrero 5, 2003.
Matapos ang tatlong buwang paghihintay, sinabihan umano sila ng mga suspect na tatagal pa dahil sa inaasikaso pa ang kanilang working visa. Matapos ang lima pang buwan, hindi na sila kinontak ng mga suspect.
Doon din nila nabatid na hindi pala lisensiyado ang Philca na magpadala ng mga trabahador sa ibang bansa.
Dahil dito, lumapit na ang mag-asawa sa NBI sanhi upang maaresto ang mga suspect at masampahan ng kaukulang kaso. (Ulat ni Danilo Garcia)