Tadtad ng saksak sa katawan sina Cezar Pan, 48 at asawa nitong si Ana, 45 ng 600 A.Calle Uno, Brgy. 81, Monumento, C.C. at kapwa may-ari ng Ana and Cezar General Merchandise.
Nakaligtas naman ang mga anak nito na sina Jayson, 9 at Leonard, 4, na kapwa nagtamo ng bukol sa ulo at sugat sa katawan dahil sa palo ng kahoy.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Michael, helper ng mga biktima na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng gabi sa loob mismo ng bahay ng mga biktima.
Bago naganap ang insidente, pinagsabihan umano ng biktimang si Cezar ang suspect na tamad na ikinagalit ng huli hanggang sa pagsasaksakin nito ang una sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sinaklolohan naman ng biktimang si Ana ang asawa subalit ito naman ang pinagbalingang saksakin ng suspect.
Nakita ng biktimang si Jayson ang pangyayari kung kayat tinangka nitong tumawag sa telepono subalit pinalo naman ito ng kahoy sa ulo ng suspect.
Dahil dito, nagsisigaw at humingi ng tulong si Leonard ngunit pinalo din ito ng suspect. Nataranta ang suspect hanggang sa ipasya na nitong tumakas. (Ulat ni Rose Tamayo)