Nabatid na papaalis patungong Bacolod at Iloilo ang barko nang dumating sa Pier 2 sina Atty. Serafin Rivera at Atty. Pablo Rivera, kumakatawan sa Tsuneishi-Aboitiz na pag-aari din ng WG&A at dalawa pang sheriff ng Cebu Regional Trial Court (RTC) Branch 5.
Pinigilan ng mga ito ang paglalayag ng St. Peter dahil sa umanoy hindi pagbabayad ng Negros Navigation sa Tsuneishi Heavy Industries Inc. matapos na ipagawa ang barko.
Itinanggi naman ng Negros Navigation ang naturang akusasyon kung saan patuloy umano ang ginagawa nilang pagbabayad. Natigil lamang umano ang bayaran nang itakda ni Judge Ireneo Lee Gako Jr. ng Cebu RTC ang negosasyon sa pagitan ng Negros Navigation at Tsuneishi-Aboitiz na hindi naman sinagot ng huli.
Ang nasabing barko ay itinali ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pantalan ng Pier 2 sa North Harbor at hindi muna pinapayagang makapaglayag patungo sa Visayas at Mindanao matapos na i-sheriff dahil sa umanoy milyun-milyong pagkakautang.
Ayon kay Atty. Rivera, pinigil ng korte ang paglalayag ng St. Peter the Apostle dahil na rin sa demanda ng Tsuneishi Heavy Industries Cebu Inc., isang shipyard builders and repair company makaraang hindi umano magbayad ng halagang P35 milyon ang pamunuan ng Negros Navigation.
Sa kautusang ipinalabas nitong Marso 16, 2004 ni Judge Gako Jr., ng Cebu City RTC, inatasan nito ang pamunuan ng PCG, Philippine Ports Authority, MARINA at PNP na isilbi ang pinirmahan nitong order na writ of attachment and levy at isailalim sa kanilang custody ang nasabing barko. (Ulat nina Danilo Garcia at Ellen Fernando)