Nagmasaker sa mag-ina,arestado

Sinampahan na ng kasong double murder at robbery ang isang addict na lalaki matapos itong maaresto ng pulisya dahil sa brutal na pagpaslang sa mag-ina na kanyang kapitbahay noong Biyernes ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Nakakulong ngayon sa Las Piñas City Police ang suspect na si Rodante Lasatin, alyas Danny Kalbo, ng Block 16, Lot 8, Camia St. T.S. Cruz Subdivision, Brgy. Almanza 2 ng nabanggit na lungsod.

Samantala, ang naging biktima nito ay ang mag-inang Rassel, 22, at anak na si Jessel Secuando, 5. Ang mag-ina ay magugunitang tinadtad ng saksak sa katawan at saka kapwa ginilitan.

Dakong alas-4 ng hapon nang madakip si Lasatin sa may Dalla St., Brgy. Almanza 2 sa naturang lungsod sa tulong ng mga nagrorondang tanod.

Nasamsam dito ang isang 9-inches na patalim na may bahid pa ng dugo na ginamit sa pagpaslang sa mag-ina.

Inamin naman ng suspect na siya ang pumaslang sa mag-ina, pero nangatuwiran pa ito na siya ay nasa impluwensiya ng ipinagbabawal ng gamot. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments