Police asset patay sa pusher

Patay ang isang police asset makaraang pagbabarilin ito hanggang sa mapatay ng isang drug pusher kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Tatlong tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Eduardo Badiola, 37, ng #208 Narra St., Barangay Sta. Monica, Novaliches, Quezon City nang matagpuan dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Sarmiento St., sa nabanggit na lungsod.

Mabilis namang nakatakas ang suspect at sinasabing pusher sa lugar na nakilala lamang sa pangalang Rodel.

Bukod sa tama ng bala sa ulo nakitaan din ito ng tama sa dibdib at likuran.

Ayon sa mga saksi, ang suspect ay kilabot na pusher sa kanilang lugar at matagal na umano nilang inirereklamo dahil sa masamang impluwensiya nito sa mga kabataan. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments